Hell University by KnighInBlack - Suring Basa

Sta. Lucia High School 

 #30 Tramo ST. Rosario Village, Sta. Lucia High School, Pasig City 

   

https://www.wattpad.com/story/62354932-hell-university-published

https://www.goodreads.com/book/show/38125030-hell-university-part-2


Hell University 

 Ni KnightInBlack 

PSICOM Publishing Inc. 


Isang Suring-Aklat (Book-Review) na iniharap Kay G. Danilo P. Agpaoa, LPT Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong Pagbasa at Pagsuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik. 


 Ipinasa ni: Joshuaren L. Salvo 

 G11-ICT 3 (TORVALDS) 

 

Enero, 2026 


I. PANIMULA. 


       Pamagat Ang Hell University na isinulat ni KnightInBlack ay isang kwentong umiikot sa mga kakaibang pangyayari sa loob ng isang unibersidad na puno ng hiwaga at tensyon. Ipinapakita ng may-akda kung paano nagbabago ang buhay ng mga tauhan habang nahaharap sila sa mga pangyayaring hindi nila inaasahan. Mula sa mga bagong pagkakaibigan hanggang sa mga suliraning bumabalot sa paaralan, unti-unting nabubuksan ang mga sikreto na nagtatakda sa direksyon ng kanilang kwento. Hanggang dumating sa mga plot twist na tinatago ng lugar, tao at kahit na sila-silang magkakaibigan. Punong-puno ng curiosidad ang Unibersidad. 


     Sa pinagsamang salitang “Hell” at “University,” agad na nakabubuo ng imahinasyon ang mambabasa. Ang “Hell” ay nagpapakita ng bigat, takot, at masalimuot na sitwasyon, samantalang ang “University” ay sumisimbolo ng pagkatuto, pag-unlad, at bagong yugto sa buhay. Marahil, sa pamagat pa lang malalaman mo nang may hindi mangyayaring masama sa buong kwento. Hanggang sa ma-curious ka na basahin at alamin kung ano ba talaga ang nais ipahiwatig ng pamagat na ito. Makikita morin ang motto ng Universidad sa harap ng libro na “ONCE YOU ENTER, THERE’S NO TURNING BACK!”.

    

           Sa kabuuan, Ito ay tungkol sa paghaharap sa mga hamon at pagsubok, pagkatuto mula sa bawat karanasan, at pagtuklas ng sariling lakas at tapang. Sa bawat araw sa loob ng unibersidad, natututo ang mga tauhan na maging matatag, magtiwala sa kanilang sarili, at harapin ang mga bagay na dati’y kinatatakutan nila. Ipinapaalala rin ng kwento sa mambabasa na ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nakukuha sa leksiyon sa silid-aralan kundi pati na rin sa mga karanasang humuhubog sa ating pagkatao. Bukod dito, ang kwento ay nagtuturo ng kahalagahan ng pagkakaibigan, pagtutulungan, at pag-unawa sa iba, na nagbibigay diin na sa kabila ng mga pagsubok, may pag-asa at suporta na makakatulong sa atin sa ating paglalakbay.


     B. Uri ng Panitikan at Genre


           Ang Hell University ni KnightInBlack ay isang nobela na naglalahad ng mahabang kwento ng mga estudyante sa loob ng isang kakaibang unibersidad. Sa kwento, makikita ang halo ng fantasy o kababalaghan, suspense o misteryo, at drama, dahil may mga hindi inaasahang pangyayari, tensyon, at mga sitwasyong humahamon sa mga tauhan. Ipinapakita rin kung paano nahuhubog ang damdamin, pagkakaibigan, at katapangan ng bawat karakter habang hinaharap nila ang mga pagsubok. Sa bawat kabanata, nakikilala ng mambabasa ang iba't ibang personalidad, kahinaan, at lakas ng mga estudyante, pati na rin ang kanilang paraan ng pagharap sa takot, panganib, at mga suliraning hindi nila inaasahan.


       C. Pagkilala sa May-Akda

         Si John Kirby I. Bautista, na mas kilala sa kanyang pen name na KnightlnBlack, ay isang kilalang manunulat sa online platform na Wattpad at isa na ring published author sa Pilipinas. Siya ay isinilang noong ika-10 ng Pebrero, 1998 sa lalawigan ng Pampanga. Bata pa lamang ay hilig na ni John Kirby Bautista ang pagbabasa at pagsulat, lalo na ng mga kwentong may halong kababalaghan, misteryo, at pag-ibig. Ang mga karanasang ito ang naging inspirasyon niya sa pagbuo ng mga akdang tumatalakay sa mga kakaibang mundo at emosyon ng mga kabataan. Kilala siya ng kanyang mga tagasubaybay sa tawag na KIB, at sa online community ay isa siya sa mga tinitingalang manunulat ng Wattpad dahil sa kanyang natatanging istilo ng paglalahad.


            Habang nag-aaral sa kolehiyo, nagsimula si John Kirby Bautista na magbahagi ng kanyang mga likha online bilang libangan lamang. Ngunit nang lumawak ang kanyang mambabasa at nakatanggap siya ng positibong komento, tuluyan na niyang pinagtuunan ng oras ang pagsusulat. Ang pinakatanyag niyang akda ay ang "Hell University", isang nobelang nahahati sa ilang bahagi na puno ng misteryo, kababalaghan, at kakaibang takbo ng damdamin. Dahil sa kasikatan ng nobelang ito, nakamit nito ang milyunmilyong reads sa Wattpad at kalaunan ay inilathala ng PSICOM Publishing Inc. bilang isang opisyal na libro. Ang kanyang paraan ng pagsulat- madamdamin, madilim, ngunit makabuluhan-ang nagpa-iba sa kanya sa ibang manunulat ng kanyang henerasyon.


            Sa bawat karakter na kanyang nililikha, makikita ang mga damdamin ng takot, pangarap, at pag-ibig na madaling makarelate ng kabataan. Dahil dito itinuturing siya bilang isa sa mga prominenteng boses ng Wattpad generation sa Pilipinas. Sa kabila ng kanyang tagumpay, nananatiling mapagkumbaba si John Kirby Bautisa. Patuloy siyang nagsusulat at nakikipag-ugnayan sa kanyang mga tagahanga sa social media, kadalasan ay nagbibigay ng inspirasyon sa mga baguhang manunulat. 


  II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN A. TEMA / PAKSA 


           Ang Hell University ni KnightInBlack ay naglalahad ng kwento na nakatuon sa paghaharap ng mga tauhan sa iba't ibang hamon at pagsubok, na nagiging daan upang sila ay matuto at lumakas sa kanilang pagkatao. Ipinapakita rin ng nobela ang kahalagahan ng pagkakaibigan, pagtutulungan, at suporta mula sa iba, lalo na sa mga sitwasyong puno ng misteryo at tensyon. Ang paksa ng kwento ay umiikot sa mga karanasan ng mga estudyante sa isang kakaibang unibersidad, kung saan bawat pangyayari ay nagdudulot ng aral at pagbabago sa kanilang karakter. Sa bawat kabanata, masusubaybayan ng mambabasa kung paano nahuhubog ang damdamin, katapangan, at kakayahan ng mga tauhan na harapin ang takot, panganib, at mga sitwasyong hindi nila inaasahan. 


      B. MGA TAUHAN, TAGPUAN AT PANAHON 


           Mga Tauhan 


 Zein Shion - Siya ang pinakapangunahing tauhan sa kwento na napadpad sa Hell University sa isang group outing. Sa simula, nag-aalinlangan siya, ngunit unti-unti siyang nagiging matatag habang hinaharap ang mga mapanganib na patakaran ng paaralan. Ang kanyang paglalakbay ay puno ng romansa at pakikibaka, na nagpapakita ng kanyang pag-unlad mula sa pagiging mahina patungo sa pagiging malakas. 

 Ace Craige - ang male lead/love interest ni Zein. Siya ang pinakamakapangyarihan at pinakakinatatakutan na estudyante. Siya ay may cold, dominanteng awra, at madalas siyang tinatawag na Supremo. Sa likod ng kanyang pagiging walang-awa may malalim siyang koneksyon at proteksyon kay Zein Shion. Karagdagan ay, si Supremo ay ang may pinakamataas na class sa Unibersidad kung papaikliin ay siya ang president ng buong paaralan. Raze Silvenia - Siya ang ‘nakakatakot na lider ng Devil God Warriors’, isang pangunahing grupo ng mga antagonista. Ang kanyang malupit na kalikasan ay nagiging kaibahan sa mga sandali ng kahinaan, lalo na sa kanyang relasyon kay Zein. 

 Matthew Hart - Isang ‘tapat na kaalyado’ ni Zein Shion, ang kanyang sakripisyo para sa kanya ay nagpapakita ng kanyang katapangan at malalim na emosyonal na koneksyon. Ang kanyang pagdaramdam sa mga hindi nasabing damdamin ay nagdadala ng lalim sa kanyang karakter. 

 Nikki Savagge - Ang kumpiyansang "tanging rosas sa gitna ng mga tinik"* at isang pinagkakatiwalaang kaalyado ni Zein Shion, na may estratehikong pagiisip. 

 Vanessa Savagge - Ang matalinong lider ng Black Blood Gang (may pangatlong ranggo), kilala sa kanyang taktikal na isipan at katapatan sa kanyang grupo. 

 Jerome Marouez - Ang maaasahang kaibigan ni Zein Shion, na ang matatag na suporta ay nagsisilbing sandigan ng grupo sa panahon ng krisis.

 Miss Violet - Ang masamang headmistress na lumikha ng Hell University, na sumasalamin sa madilim na pinagmulan ng paaralan. 

 Celine Samonte - Ang BBG queen na nagdadala ng estilo at katapatan sa Black Blood Gang. 

 Dave Silver - Isang misteryosong tauhan na may mga nakatagong motibo at nakaraan na konektado sa mga sikreto ng paaralan, na nagdadala ng intriga sa kwento 


           Mga Tagpuan


 Hell University (Ang Buong Campus) - Isang napakalaking unibersidad na nakatago sa isang liblib na lugar. Hindi ito basta-basta paaralan, napapalibutan ito ng matataas na pader at mahigpit na seguridad para walang makatakas. Ang lugar na ito ay madilim, nakakatakot, at puno ng kaba. Dito, ang batas ng tao sa labas ay hindi tinitingnan. Ang mas malakas ang laging nananaig, at ang mga mahihina ay madalas na napapahamak 

 Ang Dormitoryo - Dito natutulog sina Zein at ang iba pang mga estudyante. Hindi ito ligtas na lugar. Kahit nasa loob ka ng kwarto mo, kailangan mong maging alerto dahil pwedeng pasukin ang mga kwarto para sa mga "surprises" o pag-atake. Dito rin nabubuo ang samahan nina Zein at ng kanyang mga kaibigan habang nagpaplano sila kung paano mabubuhay. 

 Ang Cafeteria (Canteen) - Ang lugar kung saan kumakain ang mga estudyante, pero madalas itong maging sentro ng gulo. Dito mo makikita ang pagkakahatihati ng mga estudyante. May mga table na para lang sa mga makapangyarihan. Kapag pumasok ang isang "newbie" o isang taong gustong hamunin ang sistema (gaya ni Zein), madalas sa cafeteria nagsisimula ang mga tensyon at sigawan. 

 Ang Clinic - Dahil madalas ang bugbugan at patayan sa school, ito ang pinakabusy na lugar. Puno ito ng mga gamot at kagamitang pang-medikal, pero ang mga nurse o doktor dito ay hindi rin basta-basta. Minsan, mas nakakatakot pa ang mga nangyayari sa loob ng clinic kaysa sa labas. 

 Ang Forbidden Forest - Ang madilim na kagubatan na nakapaligid o nasa loob ng boundary ng school. Ito ang lugar kung saan dinadala ang mga pinarurusahan o ang mga estudyanteng gustong magtago. Puno ito ng mga bitag at mababangis na elemento (tao man o hayop). Kapag pumasok ka rito, maliit lang ang tsansa na makalabas ka nang buo. 

 Ang Headmaster's Office - Ang opisina ng pinakamataas na pinuno ng school. Ito ang pinakamisteryosong silid. Puno ito ng mga CCTV monitors kung saan pinapanood ng Headmaster ang bawat galaw ng mga estudyante. Dito rin nanggagaling ang mga malulupit na utos at parusa na nagpapayanig sa buong unibersidad. 

  Ang Underground Jail – Dito mo makikita ang mga taong pinarusahan o itinapon ni Supremo. Madilim, maraming sumisigaw, at nababalot rin ng misteryo. Inilalagay ang mga estudyante rito kapag may nagagawang kasalanan, na siyang rason para mabulok sa kulungang na ito. 


          Panahon


     Ang panahon sa kuwentong Hell University ay nagsisimula sa Araw ng Pasukan. Ito ay naglalarawan ng isang madilim, misteryoso, at puno ng kaba na simula para sa mga estudyanteng papasok sa unibersidad. Sa pagpasok ng mga bagong mag-aaral na gaya ni Zein Shion, ang bawat araw ay nagiging isang laban para sa kaligtasan imbes na normal na pag-aaral lang. Sa gitna ng mga hindi inaasahang gulo, pag-atake, at mga sikretong nabubunyag, ipinapakita ng kuwento kung paano binabago ng malupit na kapaligiran ang pananaw ng mga kabataan sa buhay at kamatayan. Habang tumatagal ang semestre, ang mga karakter ay natututong maging matapang, bumuo ng matitibay na alyansa, at harapin ang mga hamon ng buhay estudyante na puno ng madidilim na twists, madudugong labanan, at mga komplikadong emosyon. 


          C. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG MAY-AKDA 


       Si KnightInBlack ay kilala sa paggamit ng matapang at diretsong lengguwahe na puno ng emosyon at aksyon. Ang kanyang estilo ay hindi nagpapakuripot sa mga detalye pagdating sa mga "suspense" at "mystery" na bahagi, kung saan madalas siyang gumamit ng mga terminong gaya ng "Supremo" at "Royalties" upang bigyang-diin ang hierarchy at bagsik ng paaralan. Pinagsasama niya ang pagiging kaswal ng Taglish at ang modernong pananalita ng mga kabataan upang mas maging madaling damhin ang takot at tapang ng mga karakter. Ang bawat kabanata ay sadyang binuo na mabilis ang takbo o fast-paced para hindi bitawan ng mambabasa ang bawat "plot twist" na inihahanda niya sa kwento. 


         III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN 


       Ang pangunahing kaisipan na naiiwan sa mambabasa ay ang halaga ng paninindigan at tibay ng loob sa gitna ng isang mapang-api at madilim na sistema. Ipinapakita ng kuwento na ang tunay na lakas ng isang tao ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na kakayahan o sa taas ng ranggo sa lipunan, kundi sa tapang na harapin ang mga malulupit na katotohanan. Binibigyangdiin nito na sa isang mundong pilit kang binabago para maging masama, ang pananatili sa iyong sariling prinsipyo at pagkatao ang pinakamalaking tagumpay na maaari mong makuha. 


       Bukod dito, malalim na tumatatak ang mensahe tungkol sa tiwala at tunay na samahan sa oras ng matinding kagipitan. Sa kabila ng mga pagtataksil at panganib na nakapaligid, itinuturo ng akda na ang pagkakaisa ang tanging paraan upang malampasan ang mga pagsubok na tila imposible nang malusutan. Ipinapaunawa nito na ang tunay na kaibigan at kakampi ay makikilala hindi sa panahon ng kasiyahan, kundi sa mga sandaling kailangan mong isugal ang lahat para sa kaligtasan ng isa’t isa, na nagpapatunay na walang sinuman ang kayang mabuhay nang mag-isa sa gitna ng gulo. 


        Sa huli, ang akda ay nag-iiwan ng paalala na ang bawat desisyong ginagawa natin ay may kaakibat na pananagutan at bunga. Ipinapakita nito na ang paghahanap sa katotohanan, gaano man ito kasakit o kadelikado, ay ang tanging susi upang tunay na makalaya sa mga kadena ng kasinungalingan at takot. Ang kakintalang ito ang nagtutulak sa mambabasa na magmuni-muni tungkol sa halaga ng katarungan at kung hanggang saan ang handang isakripisyo ng isang tao para makuha ang kapayapaang matagal na niyang hinahangad 


           B. KULTURANG MASASALAMIN 


        Ang unang kulturang masasalamin na makikita sa akda na Hell University ni KnighInBlack ay ang matinding hierarchy at sistemang palakasan na madalas nating makita sa totoong lipunan. Sa loob ng unibersidad, ang mga may kapangyarihan at nasa itaas, gaya ng mga High Class, ay nakakakuha ng espesyal na trato habang ang mga nasa ibaba o ang mga "newbies" ay madalas na naaapi. Ipinapakita nito ang reyalidad na sa maraming aspeto ng ating buhay, ang posisyon at koneksyon ay nagiging basehan kung paano tinatrato ang isang tao, na sumasalamin sa pakikibaka ng mga ordinaryong mamamayan laban sa mga makapangyarihang indibidwal. 


        Pangalawa, masasalamin sa kuwento ang kultura ng katapatan sa kaibigan (Brotherhood) sa gitna ng matinding krisis. Sa kabila ng marahas na kapaligiran, ang mga karakter ay nagpapakita ng labis na pagpapahalaga sa kanilang "squad" o grupo, kung saan handa silang itaya ang sariling buhay para sa kaligtasan ng isa’t isa. Ang ganitong uri ng pagkakaisa ay isang malakas na katangiang Pilipino, kung saan ang samahan ay itinuturing na parang pamilya na hindi mo iiwanan lalo na sa panahon ng kagipitan o "bloody" na sitwasyon. 


       Panghuli, ipinapakita ng akda ang kultura ng paghahanap ng katarungan sa isang baluktot na sistema. Sa halip na sumunod na lang sa mga malulupit na batas ng unibersidad, ang mga karakter ay pinipiling lumaban at tuklasin ang katotohanan. Sinasalamin nito ang likas na katangian ng tao na hindi matanggap ang kawalang-katarungan at ang pagnanais na baguhin ang isang bulok na sistema para sa ikabubuti ng nakararami. Ang pag-aalsa nina Zein laban sa mga mapang-aping awtoridad ay isang paalala na ang kultura ng paglaban para sa tama ay mananatiling buhay hangga't mayroong pangaabuso.


            IV. LAGOM 


        Ang kuwento ay umiikot sa pagpasok ni Zein Shion sa isang misteryosong paaralan na tinatawag na Hell University. Sa simula, akala niya ay isa lamang itong ordinaryong unibersidad, ngunit laking gulat niya nang matuklasan niyang isa pala itong "death trap" kung saan ang mga batas ay malupit at ang kamatayan ay karaniwang kaganapan. Dito niya nakilala ang mga Royalties, ang grupo ng mga pinakamakapangyarihang estudyante sa ilalim ng pamumuno ni Ace Craige o ang "Supremo." Sa loob ng unibersidad, kailangang sumunod ng lahat sa mga striktong patakaran gaya ng curfew at ang mga "bloody hours" kung saan ang bawat sulok ng campus ay nagiging arena ng labanan at patayan. 


        Dahil sa kanyang matapang na personalidad, hindi nagpa-under si Zein sa malupit na sistema at unti-unti siyang naging bahagi ng buhay ng mga Royalties, partikular na kay Ace. Habang tumatagal, natuklasan ni Zein na ang unibersidad ay hindi lang basta lugar ng kaguluhan, kundi puno ito ng malalalim na sekreto na kinasasangkutan ng mga awtoridad gaya ng Headteacher at ni Ms. Violet. Ang bawat kabanata ay puno ng tensyon habang sinisikap nina Zein, Ace, at ng kanilang mga kaibigan na malampasan ang mga "survival games" at mga pagtatangka sa kanilang buhay habang pilit nilang binubuo ang puzzle sa likod ng madilim na kasaysayan ng paaralan. 


        Sa huli, ang lagom ng kuwentong ito ay tungkol sa pakikipagsapalaran para sa katotohanan at kalayaan. Sa kabila ng mga madugong labanan at matinding takot, nanaig ang pagkakaisa at pag-iibigan nina Zein at Ace bilang sandata laban sa bulok na sistema ng Hell University. Ipinapakita ng wakas na ang tunay na kalaban ay hindi lamang ang kapwa estudyante, kundi ang mga taong nasa likod ng lahat ng kamatayan sa loob ng unibersidad. Ang kanilang paglalakbay ay nag-iwan ng marka na sa gitna ng impiyerno, mayroon pa ring pag-asa basta't hindi ka susuko at mananatili kang tapat sa iyong mga prinsipyo at mga mahal sa buhay. 


          V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI 


        Ang aking personal na reaksyon sa Hell University ay ang pagkamangha sa kakaibang tapang na ipinakita ng mga karakter, lalo na si Zein Shion. Nakakaantig ng damdamin kung paano nagawang panatilihin ng mga magaaral ang kanilang pagkatao sa kabila ng brutal na sistemang kanilang kinagisnan. Bagama't nakakagulat at kung minsan ay nakakatakot ang mga eksenang madugo o "bloody," nagsilbi itong mabisang paraan upang ipakita ang bagsik ng kanilang mundo at ang halaga ng bawat buhay na nawawala. 


        Ang unang mungkahi para sa may-akda ay ang pagpapalalim pa sa backstory o pinagmulan ng mga kontrabida, partikular na ang Headteacher at si Ms. Violet. Bagama't epektibo silang mga simbolo ng takot, mas magiging kapana-panabik kung maipakikita ang kanilang nakaraan upang mas maunawaan ng mga mambabasa kung bakit nila binuo ang ganitong kalupit na sistema sa Hell University. Ang pagkakaroon ng mas malinaw na motibasyon para sa mga antagonist ay magbibigay ng karagdagang layer ng misteryo at mas matinding emosyonal na koneksyon sa pagitan ng mga bida at ng mga humahadlang sa kanila. 


        Para sa mga susunod pang mga mambabasa, iminumungkahi ko rin na tingnan ang kuwento bilang isang repleksyon ng mga hamon sa totoong buhay kung saan kailangan nating manindigan para sa ating mga prinsipyo. Ang Hell University ay isang paalala na kahit gaano pa kadilim ang ating paligid, laging may paraan upang lumaban at humanap ng liwanag basta't tayo ay nagkakaisa. Ito ay isang rekomendadong basahin para sa mga mahilig sa thriller at mystery na naghahanap ng kuwentong magpapatibay sa kanilang loob at magbubukas sa kanilang isipan.     

Comments

Popular Posts